Sa aking personal na pananaw ay hindi din ako payag at labag na labag sa aking kalooban na tanggapin na ang ating sosyedad ay patungo na sa "kabobohan" na naidudulot ng tinatawag na "text speak" o ang pagdadaglat ng mga salita. Ako ay sumasang ayon na sa abot ng ating makakaya ay ating isalba ang ating wika, mga patinig na "a,e,i,o,u" na maituturing na biktima ng pagdadaglat na ito. Sang ayon din ako ng sandaang kaputol na nararapat lamang na ipatupad sa ating talastasang ito na ipagbawal ang pagdadaglat kagyat sapatin ang pagbabaybay ng mga salita mapa Filipino man o Ingles. Hangga't makakayanan natin ay ating dapat na pahalagahan ang tamang paraan ng pagsusulat ng ating mga salita.
Bagamat, subalit, datapawat, dumadating sa punto ng panahon na ang isang wika ay maituturing na nasa dulo na ng kanyang hangganan. Kung ating matatandaan ay ganitong paraan, (kung paano mo binabasa ang tekstong ito) magsalita ang mga Pilipino noong nakaraang siglo. Hindi ba't parang katawa-tawa sa panahon ito na makabasa ka ganitong sulatin tulad ng aking ibig na ipahiwatig sa panulat na ito? Bagaman ang aking layunin ay makapagpatawa
, sa kailaliman ay may nais na ipahatid na mahalagang mensahe at naway mabatid ng marami, na kahit pa gaano natin pilitin, kahit gaano pa natin sukulin, ay hindi natin maitatanggi na ang pagbabago ay narito na. Kung paanong naglaho sa diwa ng mga Pilipino ang tunay na alpabetong Pilipino, na madalas na tawaging
alibata ( http://www.mts.net/~pmorrow/bayeng1.htm ), kung paanong nabago ang paraan ng panulat ng mga tao sa Ehipto, kung paanong naging katanggap-tanggap ang wikang Taglish, at ang Linguahe ng mga nasa ikatlong kasarian, sa malao't madali ay magiging bahagi na ng kulturang Pilipino ang pagdadaglat ng mga salita.
Kung mayroon mang sa atin na tututol sa aking mga tinuran ay maaari lamang na unawain ang nauna ko nang binaggit sa simula pa lamang ng tekstong ito. Ako ay hindi sangayon sa pagdadaglat, ngunit isa itong realidad na tanggapin man natin o hindi ay kusang magpapatuloy sapagkat ang wika ay may buhay.